Entry: Mahal na yata kita! Aug 28, 2004



Personal Thoughts : Aylabyu! Contributed by TRAM21 (Edited by mananalaysay)

Mahal na yata kita.

Ito ang pagkatagal-tagal ko nang gustong sabihin sa iyo. Lagi lang akong nauunahan ng hiya. Ng guilt. Ng insecurities ko sa buhay. Bata pa ako nang ipakilala ka sa akin ng Lola Monang ko. Gusto na kitang maurirat nang lubusan noon pa man. Kaya lang, warning ni Mommy, di pa raw pwede dahil masyado pa akong bata. Di raw katanggap-tanggap sa lipunan ang pagtingin ko sa iyo. Grabeng lipunan ito. Masyadong judgmental sa mga batang mapupusok na tulad ko. O bakit ka napatingin ng masama? Bata pa naman ako a… ten years ago. Ang korni. Ganito yata talaga pag in-lab. Gaya ng cassette tape, medyo i-fast forward natin. First year high school, sa pusod ng Maynila. Hanggang sa iskul ba naman, sinundan mo ako? Nakita na naman kita. Para kang nanghahalina. Para kang isa sa mga belyas sa Florante at Laura. Pero pinigil ko muna ang sarili ko. Tulad ng sirang plaka, paulit-ulit kong pinakinggan ang payo ni Mommy… di tayo pwede. Di tanggap sa lipunan. Linsyak na lipunan talaga ito. Parang ‘Bagong Lipunan’ ni Marcos dahil kailangan kong sumunod sa dikta ng autokrato. Walanjo. Kating-kati na ako noon, kala mo ba. Isang taon sa hayskul. Pumasok ang pangalawa. Dumating ang pangatlo. Heto na. Sabi ko, handa na akong mayurakan ng lahat. Pakiramdam ko, kaya ko nang lunurin ang sarili sa sarap dulot ng kalayaan. Sumunod na ako sa tawag ng laman. Di ko na na-kontrol. Kumagat ako sa gusto mo. Umaga, hapon, gabi, madaling-araw... haaay! Langit sa tuwing kapiling kita. Ang sarap mong kasama habang naglalakad ako sa Taft. Enjoy kang ka-bonding habang nag-iistrol ako sa Southmall. Sa tuwing tangan kita, feeling ko, ang lakas-lakas ko. Ako na ang pinakamatapang sa mundo. Nagiging malinaw ang isip ko. Kung pwede lang magpakasal ang isang menor de edad noong mga panahong iyon, malamang, niyaya na kita. Kaleyds. Unang dalawang taon, sa piling ng mga puti sa bayan ni Clinton at ni Bush. Di mo pa rin ako tinantanan. Mahal mo rin kaya ako? Ginawa ko lahat ng paraan, makita lang kita. Nag-doble trabaho ako maramdaman ko lang ang presensya mo. Isipin mo, pagkatapos mag-aral ukol sa takbo ng ekonomiya, tuloy naman ako sa paggawa ng pizza. Pagsapit naman ng gabi, tagalinis ako ng bahay ng isang gamol na gurang. Pero sulit naman dahil ang laki ng naging silbi mo sa buhay ko sa halos dalawang taong pagtitiis sa piling ng pesteng si Angkol Sam. Ikaw ang nagpainit sa mga gabi kong malalamig dulot ng makapal na niyebe. Kahit na minus 10 degrees ang windchill, para lamang akong nasa Boracay kapag kaagapay kita. Ikaw ang nagbigay ng liwanag sa akin noong mga panahong halos lunurin ako ng kabiguan at panawan ng pag-asa. Mahusay ka pa yata sa mga lifesavers ng Waikiki. Hanggang sa mapagpasyahan kong bumalik sa Pilipinas upang ituloy na lamang ang pag-aaral sa UPLB, ikaw pa rin ang nagbigay ng kasagutan para sa akin. Hanggang ngayon dito sa tahanan ni Mariang Makiling, sinisinta pa rin kita. Ano bang meron ka na wala sa iba? Kulang na lang, ipagtayo kita ng dambana at sambahin kang parang diyosa. Wala ka talagang kapara. Talbog si GR ‘Miss Plowless’ Jones sa kagandahan mo. Matindi na yata talaga ang tama ko sa iyo. Isandaang pana siguro ni Kupido ang pumukol sa puso ko. Ang O.A. naman! Mga 99 lang, binilang ko kasi kanina. Maski nga tatay ko, di na ako masuheto. Inaamin kong matigas ang aking ulo, pero naniniwala ako sa kasabihang, “Ibigay ang hilig.” Hilig na kita kasi e. Sa tuwing makatatapos ako ng mahirap na eksamen sa math, isang HITHIT lang sa iyo, swak na. Sa tuwing matatapos akong mapakapananghalian, isang ISTIK lang, lalo akong nabubusog. Sa tuwing ilalagay kita sa pagitan ng aking kanang hintuturo at hinlalatok, naangkin kong muli ang ipinagdaramot na kalayaan. Ikaw ang nagbibigay sa akin ng kapangyarihan. Ang dami nang nagbabawal sa iyo. Department of Health nga, galit na galit sa mga tulad mo. Gawan ba naman ng sakdal-pangit na maskot ang mga kaparis naming sa iyo’y nagmamahal? Pati sa kaha mo, itinatak in all-caps na ‘dangerous’ ka diumano sa aking ‘health.’ Gumawa pa sila ng batas para ikaw ay tuluyang maglaho. Pero naipatutupad ba ang batas nang maayos? Iniwan na ba kita nang tuluyan? Inabandona? Ipinamigay sa mga lasenggero? Sa tingin ko, hindi. Kasi, habang tinitipa ko ang artikulong ito, ikaw ang nasa BIBIG ko.

   0 comments

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments